Sun, 11 Apr 2021

Labor deployment sa UAE puede na -DOLE

Philippine Information Agency
06 Mar 2021, 19:38 GMT+10

LUNGSOD CALOOCAN, Marso 6 (PIA) -- Isang magandang balita sa ating mga mamamayang nagnanais makapagtrabaho sa United Arab Emirates (UAE). Bubuksan na simula ngayong katapusan ng Marso ang labor deployment sa mga bansa nito.

Ito ang masayang ibinalita ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III sa Laging Handa Public Briefing ngayong umaga ng Sabado, ika-6 ng Marso.

Ani Secretry Bello, "Magandang balita! After seven years, pumayag na ang UAE government na magdeploy ng mga overseas Filipinos workers (OFWs) especially household service workers sa UAE."

Paliwanag niya, halos pitong taong walang bilateral agreement sa UAE dahil pansamantalang itinigil ito simula noong 2014. Ito ay dahil sa kadahilanang hindi pumayag ang UAE government sa hinihiling ng ating pamahalaan na dapat apat ang pipirma sa regular working contract ng mga OFW.

Ninanais ng pamahalaang Filipinas na kasamang pipirma sa kontrata ang mga sumusunod: ang OFW, Employer, Foreign Recruitment Agency at Philippine Recruitment Agency upang may hahabulin kapag may lalabag sa kontrata at mapangalagaan na rin ang ating mga mamamayan.

Pumayag na rin silang nasa kontrata ang mga probisyon na nais ipaloob ng Pangulong Rodrigo Duterte. Ang mga ito ay: Kailangan hawak ng OFW ang kanilang passport; hawak din nila ang kanilang cellphone; dapat klaro sa kontrata ang 12 oras na sleeping time; dapat ang pagkain nila ay sila ang pipili o luluto; kailangang in a week's time ay mayroon silang one day off with pay at kailangan pag inilipat sa ibang employer ay may consent ng OFW at subject for approval ng Labor Attache sa bansa na kanilang pinagtatrabahuhan.

Aniya pa, ito ay talagang magandang balita dahil marami ang nagnanais makapagtrabaho doon dahil sa magandang working condition at mataas na sahod na ibinibigay.

Ang halos 600,000 illegal OFWs natin doon ay puede na ring maregularize ang kanilang pamamalagi dahil makokober na sila ng agreement. Kuwento ni Secretary Bello, ang mga illegal na OFW doon ay pumunta bilang tourist at pinaconvert lamang ang kanilang tourist visa sa working visa.

Sa bilateral agreement, bawal na ang conversion ng tourist visa into working visa kung walang aprobal ng Labor Attache ng Filipinas sa bansang kanilang gustong pagtrabahuhan.

Ibinalita rin ni Bello na ang bansang Russia ay sumulat na sa ating pamahalaan na gusto rin nilang magkaroon ng bilateral agreement kaya maaari na ring malegitimize ang ating mga illegal na OFW doon.

Ang UAE ay nasa Southeast ng Arabian Peninsula malapit sa Oman at Saudi Arabia. Naging federation ito na binubuo ng pitong emirates: Ang Abu Dhabi, Dubai, Sharjah, Ajman, Umm Al-Quwain, Fujairahy at Ras Al Khaimah. (PIA NCR)

More Europe News

Access More

Sign up for Europe News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!